Ni ESTONG REYES
PINAGHAHANDAAN na ni Senator Aquilino Pimentel III ang posibilidad na malaglag sa pwesto bilang Senate Minority Leader sa napipintong pagpustura ng tinaguriang Magic 7 bilang bagong pwersang kumakatawan sa minorya.
Sa isang panayam sa radyo, inamin ni Pimentel na posibleng malaglag na rin siya bilang minority leader. Ang dahilan, daig ng pito ang dalawa.
Partikular na tinukoy ni Pimentel ang dami ng Magic 7 na kinabibilangan nina Senador Sherwin Gatchalian, JV Ejercito, Sonny Angara, Nancy Binay, Joel Villanueva, Loren Legarda at Juan Miguel Zubiri na pinatalsik kamakailan bilang Senate President.
“Ganyan talaga ang buhay,” wika ng senador.
Tanging si Senador Risa Hontiveros ang kasama ni Pimentel sa minorya.
“Iyan na rin yung ‘be careful what you wish for’ kasi if you wish for additional members pwede ka ngang ma-outvote as the minority leader,” aniya pa.
Gayunpaman, hindi pa naman aniya nakikipag-ugnayan si Zubiri sa napipintong kung pagganap bilang minorya se Senado.
Una nang sinabi ni Zubiri na kabilang sa plano ng Magic 7 ang sumanib sa minorya.
