
NAGPRISINTA sa House Quad Comm hearing ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng isang matrix na nagpapakita ang masalimuot at nakababahalagang ugnayan ng mga nasa likod ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at sindikato sa likod ng kalakalan ng droga.
Paglalahad ni PDEA Deputy Director General Renato Gumban, sinasamantala ng transnational syndicates ang legal loopholes at corporate structures para sa “laundering” ng drug money sa paraan ng pagbili ng mga ari-arian sa bansa.
Ayon sa opisyal, nagsimula ang kanilang imbestigasyon matapos ang joint operation sa isang warehouse noong Setyembre 2023 sa Mexico, Pampanga kung saan nakumpiska ang 560 kilong shabu na may katumbas na halagang P3.6 billion.
Napag-alaman na ang nasabing bodega ay pagmamay-ari ng Empire 999 Realty, na ang isa incorporators ay si Willie Ong, alyas Cai Qimeng.
Nabunyag din na ang Empire 999 Realty Inc. ay konektado sa Golden Sun 999 Realty and Development Corporation at Yatai Industrial Park Inc., kung saan lumabas na kasama ni Ong ang isang Aedy T. Yang, bilang isa pang incorporator.
Ang Golden Sun 999 ay inuugnay din kay Rose Nono Lin na may-ari ng Pharmally Pharmaceutical Corporation – ang kumpanyang ginawaran ng P11-billion procurement contract ng nakalipas na administrasyon sa kabila ng declared capital sa P625 million.
Ani Gumban, si Lin ang asawa ni Allan Lim, alyas Lin Weixiong na konektado kay former presidential economic adviser Michael Yang na sinasabing dawit sa illegal drug trade.
“Lim, who allegedly uses multiple aliases and passports, was implicated in drug operations and casino junket schemes. He was named in a 2017 drug matrix by former police Col. Eduardo Acierto, which linked him to clandestine drug laboratories in Luzon and Mindanao,” dagdag ng PDEA official.
Ang direktang koneksyon ng POGOs at criminal syndicates ay natukoy sa pamamagitan ng Hongsheng Gaming Technology Inc., isang offshore gaming operator sa Bamban, Tarlac.
Sa pamamagitan ng kapatid ni Michael Yang, na si Hong Jiang Yang, ay napondohan umano ang Hongsheng, na siyang nagrenta sa Baufu Land Development Inc, na pagmamay ari ni former Bamban Mayor Alice Guo.
“Financial investigations by the Anti-Money Laundering Council (AMLC) revealed that Guo funneled illicit funds through entities like QJJ Farm and RMCE Metal Products Trading Company, both previously linked to money laundering for convicted Chinese drug lord Peter Co, also known as Wu Tuan Yuan,” deklarasyon pa ng PDEA.
Bagama’t nakapiit sa Sablayan Penal Farm, lumalabas na active pa rin ang accounts ni Co at ginagamit sa money laundering operations ng isang Concepcion at Ronnie Chua, na kapwa konektado sa POGO-related entities at iba pang other corporate personalities.
Samantala, sinabi ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Beatrix” Luistro na ang pagsisiwalat ng PDEA ay kapwa nakababahala at nagbibigay-linaw sa seryosong usapin na nakakaapekto sa buhay ng marami.
“The volume of corporate layering along with the corporate personalities are truly overwhelming, Mr. Chair,” ani Luistro, na iginiit ang pagkakaroon ng iba’t-ibang grupo o indibidwal na nagtutulungan para maitago ang kanilang masasamang gawain. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)