November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Kongreso kinulit, panukalang Dep’t of Disaster Resilience muling hinirit

SA dalas at lakas ng mga delubyong tumatama sa Pilipinas, muling iginiit ng isang senador ang paglikha ng Department of Disaster Resilience (DRR) na ang tanging mandato ay ang pagtugon sa mga usaping may kinalaman sa kalamidad.

Para kay Sen. Bong Go, paulit-ulit na lang ang perwisyong dulot ng mga delubyo subalit di pa rin aniya tayo natututo.

Patunay aniya nito ang malawakang pagbaha, pagkasira ng imprastraktura, pinsala sa agrikultura at ang 52 buhay na nawala.

Mungkahi ni Go sa mga kapwa mambabatas sa Senado, pagtibayin ang Senate Bill 188 na nagsusulong sa paglikha ng DRR.

Bukod sa DRR, dapat rin aniyang magtaguyod ng mga evacuation centers na magsisilbing panuluyan ng mga apektadong pamilya saan mang sulok ng bansa.

“Alam n’yo, wala pong katapusan itong disaster; nasa Pacific ring of fire tayo, talagang prone tayo sa bagyo, prone tayo sa pagbaha,” wika ni Go na matapos mamahagi ng tulong sa mga maralitang mamamayan sa lungsod ng Caloocan.

“Napapanahon na para magkaroon tayo ng mandatory evacuation centers. Maayos at malinis na evacuation center kung saan po’y magiging kumportable po ang mga kababayan natin na makapagpahinga ‘pag nabahaan sila, nasunugan sila,” ayon sa senador.

Sa ngayon, karaniwang ginagamit ng pamahalaan ang mga pampublikong paaralan bilang evacuation center na nagsasantabi sa pagdaraos ng klase ng mga estudyante.

“Tingnan n’yo po ang nangyari sa Cagayan Valley, missing po ‘yung apat na coast guard… Dapat po’y mayroon talagang maayos na departamento na maayos ang coordination at pag-alis ng bagyo, restoration of normalcy, at rehabilitation effort,” aniya pa.

Sa ilalim ng oanukala ni Go, DDR ang sasagwan sa mga pagkilos ng gobyerno sa tuwing may delubyo.

Mandato rin ani Go ang ng DRR ang makipag-ugnayan sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan kabilang ang Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, Department of Energy, Department of Information and Communications Technology at iba pa.

“Dapat na may nakatutok talaga na may awtoridad at malinaw na mandato. Hindi na puwedeng laging task force na lang dahil temporary lang ito at nawawala ang continuity kapag nagpalit na ng administrasyon. Mahirap din kung mananatiling coordinating council lang ang mamamahala sa ganitong sitwasyon dahil sa kakulangan ng kapangyarihan nito.”

Pasok din sa mandato ng panukalang DRR ni Go ang pagdedeklara ng price freeze sa mga lugar na apektado ng kalamidad, paglalaan ng pondo para sa agarang pagkukumpuni ng nasirang imprastraktura, pagpapa-utang ng walang tubo sa hanay ng sektor na lubhang apektado, pagtataguyod ng database kaugnay ng disaster risk reduction, climate change at ang pangangasiwa ng tulong sa mga nasalanta.