
SA kabila pa sunod-sunod na patayan sa iba’t ibang panig ng bansa, nanindigan ang Department of Interior and Local Government (DILG) na malaki ng ibinaba ng kriminalidad sa Pilipinas.
Ayon kay Interior Sec. Benhur Abalos, bumaba ng 16% ang bilang ng mga index crime sa bansa sa unang tatlong buwan ng 2023, batay sa datos ng Philippine National Police (PNP).
Sa naturang datos, umabot sa 7,865 index crimes ang naganap mula unang araw ng Enero hanggang Marso 25 ng kasalukuyang taon – mas mababa kumpara sa 9,375 insidente ng krimen sa parehong panahon ng taong 2022.
Mas kaunti na lang din ang insidente ng carnapping ngayong taon. Aniya mula sa 82 insidente ng nakawan ng sasakyan noong nakaraang taon, nasa 48 na lang sa unang tatlong wan ng 2023 – katumbas ng 41.46% drop.
Sumadsad na rin ani Abalos ang insidente ng pananakit (physical injury) – mula sa 1,339 na naitala noong unang buwan ng nakalipas na taon, nasa 898 na lang sa unang sangkapat ng kasalukuyang taon.
Kabilang rin di umano sa nakitaan ng mas mababang bilang ng insidente ang panggagahasa (mula 2,254 noong nakaraang taon hanggang 1,593 ngayong taon), habang 10% lang ang ibinababa sa bilang ng insidente ng nakawan ng motorsiklo (mula sa dating 441 insidente, 396 na lang ngayon).
Pasok din sa talaan ng nabawasang bilang ang mga insidente ng robbery (2,647), murder (920) at homicide (229).
“Hindi po matatawaran ang inyong dedikasyon sa pagganap ng inyong tungkulin para pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan. And now, we are reaping the fruits of your labor. Sana po ay magtuloy-tuloy ito,” ani Abalos kasabay ng panawagan sa PNP na ipagpatuloy ang aniya’y magandang pagtugon sa hamon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kapulisan.
Mula Enero 1 hanggang Marso 24, 2023, may kabuuang 17,418 kataong pasok sa most wanted list ang nadakip.
Hindi naman bababa sa P1.36 bilyong halaga ng droga ang nasabat sa magkakahiwalay na operasyon, habang pumalo naman sa 14,481 kaso ang inhain kaugnay ng kampanya ng pamahalaan kontra droga.
Nasa 1,993 indibidwal ang dinakip kaugnay ng kampanya ng pamahalaan laban sa loose firearms. Sa imbentaryo ng PNP, umabot sa 6,726 na baril ang nasamsam sa parehong panahon.