MATAPOS ang 14 taon, nakahinga na ng maluwag ang migranteng Pinay na kabilang sa pinatawan ng parusang kamatayan sa Indonesia matapos kumpirmahin mismo isang mataas na opisyal ng naturang bansa ang napipintong pagbabalik sa Pilipinas ni Mary Jane Veloso.
Paglilinaw ni Indonesian Chief Minister for Law and Human Rights Yusril Ihza Mahendra, aprubado na ang kahilingan ng Pilipinas na pauwiin sa Pilipinas si Veloso, pero may kondisyon – mananatili sa piitan ang Pinay OFW na hinatulan ng parusang kamatayan matapos makunan ng hindi bababa sa 2.6 kilo ng heroin sa bagahe noong 2010.
Araw ng Miyerkules nang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakdang pagbalik sa Pilipinas ng Pinay na nasa death row kaugnay ng kasong drug trafficking.
“Mary Jane Veloso is coming home. Arrested in 2010 on drug trafficking charges and sentenced to death, Mary Jane’s case has been a long and difficult journey,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng Pangulo.
Gayunpaman, hindi binanggit sa pahayag ng Palasyo kung kailan makakabalik sa bansa si Veloso na napiit sa bansang Indonesia sa nakalipas na 14 taon.
Samantala, ibinahagi naman ni Mahendra na posibleng abutin pa ng Disyembre bago tuluyang makauwi sa Pilipinas si Veloso.
