
SA kabila ng mahigpit na reglamento sa pagpasok ng kontaminadong baboy at manok sa bansa, hindi akalain ng Department of Agriculture (DA) na makakalusot ang hindi bababa sa 66 kambing na positibo sa tinatawag na Q-Fever.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, buwan pa ng Hunyo ng kasalukuyan taon nang dumating ang 66 kambing mula sa Estados Unidos.
Matapos makumpirmang kontaminado sa Q-Fever ang mga imported na kambing, agad na sinuspinde ng kagawaran ang mga opisyales ng Bureau of Animal Industry (BAI) na nagbigay ng pahintulot sa pagpasok ng mga hayop na mula pa sa Estados Unidos.
Gayunpaman, tumanggi si de Mesa na pangalanan ang mga susppendidong opisyales. Aniya, patuloy pa ang isinasagawang pagsisiyasat alinsunod sa hirit ng reinvestigation ng mga suspendidong opisyales.
Bagamat hindi pangkaraniwan ang nasabing karamdaman, nilinaw na de Mesa na lubhang delikado ang Q-Fever na karaniwang tumatama sa baka, tupa, kambing, aso, pusa, gayundin sa mga tao.