SA gitna ng kabi-kabilang protesta, tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na masusing pag-aaralan ng ahensya ang pagpapataw ng P16 kada sakong taripa sa binebentang imported cement sa merkado.
Sa isang pahayag, tiniyak ng kagawaran ang balanseng pagsasaalang-alang sa pagitan ng mga konsyumer, gayundin sa industriya ng semento, kasabay ng giit na mandato ng gobyerno protektahan ang local manufacturers.
Kamakailan lang, nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang consumer groups sa harap ng punong tanggapan ng DTI para hilingin pawalang bisa ang anumang patakaran na magbibigay-daan sa pagtaas sa presyo ng mga materyales na ginagamit sa mga pagawaing bayan at maging sa isinusulong na pabahay para sa mga maralitang mamamayan.
Gayunpaman, nilinaw ng DTI, layon ng pamahalaan sa pagpapataw ng taripa tiyakin hindi madedehado ang local manufacturers na posibleng mapag-iwanan sa labis na pag-angkat ng semento mula sa ibang bansa.
Garantiya ng ahensya, masusing pag-aaralan ang usapin bago maglabas ng pinal na rekomendasyon.
Sinabi ng consumer group na United Consumers Coalition na ang dagdag na taripa ay maaaring magdulot ng domino effect sa presyo ng pabahay at iba pang proyekto ng imprastraktura. Hinihikayat nila ang DTI na pag-aralang muli ang panukala at humanap ng alternatibong solusyon para mapanatiling abot-kaya ang presyo ng semento sa merkado.
Wala pang pinal na desisyon ang DTI kung kailan ipatutupad o kung sususpindihin ang taripa. Inaasahang ilalabas ng kagawaran ang opisyal na anunsyo sa mga susunod na linggo matapos ang konsultasyon sa mga stakeholders. (ITOH SON)
