HINDI na ikagugulat ni Vice President Sara Duterte kung palulutangin ng administrasyon ang kanyang pangalan sa flood control scandal.
Para kay Duterte, malinaw ang pakay ng administrasyon sa pagkaladkad sa pangalan ng kaalyadong si Senador Bong Go sa irregularidad na aniya’y kagagawan ng mga kakampi ng Pangulo.
Partikular na tinukoy ni Duterte ang pahayag ni Ombudsman Crispin Remulla na nagsabing umatras ang mag-asawang Discaya sa pagtestigo sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) para protektahan si Go.
Bukod kay Remulla, tinukoy rin ng pangalawang pangulo ang ikinasang imbestigasyon ni Public Works Secretary Vince Dizon sa umano’y koneksyon ni Go sa mag-asawang kontratista.
“Sa tingin ko, susubukan nilang paabutin sa akin dahil sa kaalyado ni dating Pangulong [Rodrigo] Duterte si Senator Bong Go,” anang bise presidente.
“Diyan siguro nila ikukwento, ako sa isang side, si PRRD sa gitna, si Senator Bong Go sa kabila,” dagdag niya.
Pinuna rin ni Duterte ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi madadawit ang Office of the President sa flood control scandal.
“Sa ganitong ongoing pa ang imbestigasyon, magtataka ka bakit confident yung Pangulo na hindi aabot sa Office of the President yung iskandalo at korapsyon.”
