
Ni Romeo Allan Butuyan
ITINUTURING ng isang lady solon ang mungkahi ng Department of Finance (DOF) na tapyasan o kaya’y tuluyang alisin ang buwis sa imported rice bilang ‘another nail in the coffin’ o panibagong hakbang para malugmok partikular ang mga magsasakang Pilipino.
“Itong panukala ang tuluyan ng papatay sa local rice industry. Lalong mababaon ang rice farmers kung tatanggalin ang taripa sa bigas, lalo na ngayong papasok na ang harvest season,” ang mariing pahayag pa ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.
“Hindi na nga nakabangon ang mga magsasaka mula ng maipasa ang Rice Liberalization Law, lalo pa silang malulugmok sa mas maluwag na pagpapapasok ng rice imports. Subsidyo sa produksyon ang hiling ng mga magsasaka para mapababa ang presyo, hindi dagdag na pahirap,” dugtong niya.
Ayon kay Brosas, malalaking rice importers lamang ang nakinabang sa Rice Liberalization Law at ang nabanggit na hirit ng DOF ay tiyak na magreresulta sa pagdagsa sa bansa ng imported na bigas at ang makikinabang lamang dito ay rice cartels at smugglers.
Sa panig naman ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, sinabi nitong dapat maghinay-hinay ang DOF sa planong ibaba sa 10% hanggang sa magkaroon ng zero tariffs sa imported na bigas, giit ng Nueva Ecija lady solon, bukod sa maaari itong makaapekto sa koleksyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, posibleng magresulta rin ito sa mas mababang farm gate price ng lokal na bigas.
Aniya, bagama’t maaari namang mapababa nito ang presyo ng bigas sa mga pamilihan, ang local rice farmers naman ay posibleng mapilitan na ibenta sa mas mura o paluging presyo ang inani nilang palay.
Paghihimok pa ni Vergara, ituon na lamang ng pamahalaan ang atensyon nito sa pagpapanagot sa mga tunay na nasa likod ng pagsipa sa presyo ng bigas, partikular ang mga profiteer, smuggler at hoarder.