
“DAPAT managot ang mga tatay na magiging pabaya at hindi magbibigay ng suporta
sa kanilang mga anak!”
Ito ang mahigpit na tinuran ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, kasunod nang paghahain ng House Bill 8987 (An Act Punishing the Willful Failure to Pay Paternal Child Support) sa Kamara.
Kasama nina Jocelyn Tulfo at Edvic Yap, at si Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo, target ng panukala ang bigyan proteksyon ang kinabukasan ng mga batang hindi itinataguyod ng kanilang ama.
“Ang gusto natin dito ay protektahan ang kinabukasan ng mga bata. Dapat panagutan
ng mga magulang lalo na ng mga tatay ang kapakanan ng kanilang mga anak,” giit ng ranking House official.
Sa ilalim ng HB 8987, isinusulong ni Tulfo patawan ng parusang pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon, gayundin ang multang mula P100,000 hanggang P300,000 sa sinumang tatay na ayaw magbigay suporta sa mga anak.
“At least ten percent ng salary nung tatay, pero kung magsasampa ng kaso sa korte
ang nanay ng bata, depende sa korte kung ano discretion nila based sa kakayahan ng
Tatay at depende rin sa dami ng anak,” paliwanag naman ni Tulfo sa nais niyang maging parusa sa tinaguriang “deadbeat father’.
Para sa kongresista, napapanahon na rin ihanay sa talaan ng kasong kriminal ang pagiging pabaya ng isang ama – partikular sa pagbibigay ng suportang nakasaad sa ilalim ng Republic Act 9262 (Anti Violation Against Women and Children), kasabay ng panawagan sa mga kapwa mambabatas na manindigan para sa natatanging batas para sa mas komprehensibong implementasyon ng obligasyong legal ng ama sa mga bata.
“It is in this regard that this proposed measure seeks to establish the amount of
paternal child support and streamline the process in establishing paternity which is a
prerequisite for a child support order,” ang nakalahad pa HB 8987.