
LIBO-libong pasahero, biyahero at mga tripulante ng mga sasakyang dagat ang napilitang magpalipas ng maghapon at magdamag sa iba’t ibang daungan matapos pagbawalan ng pamahalaan ang paglalayag ng mga barko bunsod ng masamang lagay ng panahon dala ni super typhoon Egay.
Sa Manila, nakapagtala ng 400 biyaherong patungo sa iba’t ibang lalawigan ang na-stranded sa Manila North Passenger Terminal.
“Mayroon pong mga naabisuhan na sa July 28 hanggang August 7 pa po ang byahe nila kaya naman tayo po sa pantalan ay naka-antabay sa mga assistance para sa mga pasahero, kabilang na dito ang PPA Lugaw, free charging station, free water refilling station, at paggamit po ng maayos na palikuran,” pahayag ng Philippine Port Authority (PPA).
Pagtitiyak ni PPA General Manager Jay Santiago, naglaan ng maayos na masisilungan ang mga naistranded na pasahero sa iba’t ibang pantalan habang regular rin ang pamamahagi nila ng pagkain.
Sa ulat naman ng Philippine Coast Guard (PCG), nakapagtala ng 6,716 pasahero, tsuper at helpers; 26 sea vessels; at 1,226 rolling cargoes ang stranded sa mga pantalan ng Bicol region.
Umabot naman sa 2,635 pasahero, tsuper at helpers; pitong sea vessels; 532 rolling cargoes; at 2 motorbanca ang natengga sa mga pantalan ng Eastern Visayas.
S mga pantalan ng Southern Tagalog at NCR-Central Luzon, umabot sa 1,429 pasahero, tsuper at helpers; 40 sea vessels; 272 rolling cargoes; at 25 motor banca ang stranded.
Nananitiling naka alerto ang PCG para sa agarang pagresponde sa mga tawag ng saklolo.