
SWAK sa kulungan ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), kasama ang apat na iba pa matapos dakpin ng mga kabaro bunsod ng nabistong bentahan ng pasadong resulta ng neurological test sa mga aplikanteng nagnanais kumuha ng lisensya ng baril.
Gayunpaman, hindi pinangalanan ng PNP-Civil Security Group Director Brig. Gen. Benjamin Asilo, maliban na lang sa pahayag na pawang kabilang sa PNP Health Service Office ang mga bulilyasong pulis.
Pagtitiyak ni Asilo, sasampahan ng kasong administratibo at kriminal ang lima PNP personnel bunsod ng pamemeke sa resulta ng Psychiatrics and Psychological Examinations (mula Agosto noong nakalipas na taon hanggang Pebrero ng kasalukuyang taon) ng mga aplikante para sa license to own and possess firearms (LTOPF).
Ani Asilo, naniningil ang grupo ng Police Major ng P30,000-P35,000 sa kada pekeng neuro test.
“Well hindi na natin tiningnan ang kinikita ng mga luko-luko na ito. Tingnan lang natin yung epekto sa publiko. Kung ang makahawak ng baril is psychotic, imagine the danger it can give to the public. Imagine if the one holding firearms is [an] addict, you know how big the possible effect of this is to society,” aniya.
Para naman sa mga inisyuhan ng mga pekeng neuro test result, “immediate revocation” ang gagawin ng CSG sa lisensya ng baril na binigay sa 313 aplikante na hindi nakapasa sa exam at sa 64 naman na hindi nag-exam pero may resulta.