MATAPOS ang panibagong agresyon ng China sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas paiigtingin ng pamahalaan ang karapatan ng Pilipinas sa pinagtatalunang maritime region.
Sa kanyang talumpati sa ika-124 anibersaryo ng Philippine Coast Guard, ibinahagi ni Marcos ang plano ng pamahalaan bumili ng karagdagang barkong gagamitin umano sa pagtatanggol laban sa mga banyagang pilit aniyang inaangkin ang West Philippine Sea.
Tiniyak rin ni Marcos ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa hukbong dagat sa paraan ng pagbili ng mas marami at modernong kagamitan para sa mas epektibong pagtatanggol sa mga mangingisda at maging sa larangan ng seguridad sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas.
“I assure you that this government is solidly behind you. We will keep investing in new vessels, in aircraft, command posts and communication systems,” anang Pangulo.
“And in the West Philippine Sea, you are our first responders, ensuring the safety, dignity and livelihood of our fisherfolk,” aniya pa.
