SINUSPINDE ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Teofilo Guadiz bilang chair ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa harap ng report ng umano’y katiwalian.
Sa kalatas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ng Pangulo na iniutos na ang imbestigasyon sa akusasyon.
“The President does not tolerate any misconduct in his administration and has instructed the immediate investigation of this matter,” ayon sa PCO.
“He strongly condemns dishonesty and duplicity in public service,” dagdag pa ng kalatas.
Ang suspensiyon ni Guadiz ay bunsod ng umano’y ibinunyag ng dating senior executive assistant na si Jeffrey Tumbado sa umano’y korupsiyon sa na nangyayari sa board.
Sinabi ni Tumbado na siya at Guadiz ay nagkaroon ng pag-uusap sa kung paano makikinabang sa ‘lagayan scheme’ noong Marso kung saan inakusahan pa ang ilang ahensiya ng gobyerno, maging ang Malacanang na kasangkot.
Kabilang umano sa under-the-table transactions na ginagawa sa LTFRB ay ang modifications of routes, prioritization of franchise papers, at special permits kung saan ang bawat illegal na tansaksiyon ay nagkakahalaga ng P5 milyon at binabayaran sa dalawang installment.
Iniutos naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista na magpaliwanag si Guadiz hinggil sa iregularidad at alegasyon ng korupsiyon sa LTFRB.