
Ni Romeo Allan Butuyan II
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Agriculture na gamitin and sobrang koleksiyon sa taripa ng bigas upang tulungan ang mga magsasaka, higit ang mga maliliit sa kanilang hanay.
Ito umano ay nangangahulugan ng walang katapusang pagtulong ng gobyerno upang maiangat ang produksiyon sa agrikultura, partikular ang bigas.
Nauna nang iniutos ng Pangulo sa mga opisyal ng DA na gamitin na ang sobrang RCEF collection na lagpas sa P10 billion requirement biglang dagdag-tulong sa magsasaka upang suportahan ang kanilang produksiyon.
Sa Republic Act 11203, o ang Rice Tariffication Law (RTL), itinatadhana na ang kita sa koleksiyon ng taripa sa bigas sa taunang P10 bilyong ay gagamitin sa mga programa at proyekto upang bumuti ang produksiyon ng palay farmers.
“The excess collections from rice tariffs channeled into supporting our rice farmers will enable them to access modern farming technologies, improve their agricultural practices, and ultimately increase their productivity,” sabi ni Romualdez.
Ang paggamit din sa sobrang koleksiyon ay patuloy na magpapabuti sa sektor ng agrikultura at mabawasan din ang pagdepende sa pang-aangkat ng bigas.
Ang adhikaing ito ng Pangulo, ayon pa sa House Speaker, ay napag-usapan na nang inspeksiyunin ang irrigation projects sa San Rafael, Bulacan noong nakaraang buwan.
Nais din ang Pangulo na itodo ang tulong sa mga magsasaka upang maibaba ang presyo ng bigas na naipangako na ng gobyerno sa mamamayan.
Sa kanyang panig, sinabi ni Romualdez na magbibigay ang Kongreso ng P40 bilyong karagdagang pondo sa irigasyon sa ilalim ng 2024 national budget.