BAGO pa man lumagda sa kontrata ang Land Transportation Office sa serbisyong alok ng Dermalog, pumalpak na rin di umano ang nasabing German contractor sa ibang bansa kung saan ibinasura ang kanilang serbisyo.
Partikular na tinukoy ni Abono partylist Rep. Robert Raymond Estrella ang Land Transportation Management System (LTMS) project ng LTO na aniya’y kahalintulad ng ginawa ng Dermalog sa karatig bansang Indonesia.
Katunayan aniya, mismong si Indonesian Ambassador to the Philippines Agus Widjojo ang nagbigay kumpirmasyon hinggil sa ‘termination’ ng kontratang pinasok ng Indonesia sa nasabing contractor.
Batay sa liham ng Indonesian Ambassador, nabigo ang Dermalog na isakatuparan sa loob ng pitong taon (2005 hanggang 2012) ang mga probisyong kalakip ng kontratang iginawad ng Indonesian government kaugnay ng proyektong Automatic Fingerprint Identification System para sa National Police’s Criminal Investigation Agency ng naturang bansa.
Nagkalat din ng kahihiyan ang Demalog sa Haiti para sa national ID project, at sa Angola para sa system upgrade.
Sa Pilipinas, bigo rin ang Dermalog ayon kay National Public Transport Coalition (NPTC) president Ariel Lim. Aniya, walang nai-deliver na resulta ang Dermalog makaraan ang 14 extensions at dalawa at kalahating taon.
Ayon kay Lim, nakuha na ng Dermalog ang 80% ng P3.4-billion LTMS project contract na iginawad ng LTO.