
Ni Lily Reyes
INIHAYAG ng Land Transportation Office (LTO) sa mga may hawak ng mga driver’s license na nag-expire noon pang Abril 1, 2023 na maaari na umanong mag-renew kasunod ng paghahatid ng mas maraming plastic card sa nakalipas na ilang linggo.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang mga nag-expire na driver’s license mula Abril 1, 2023 hanggang Setyembre 30, 2023 ay makakakuha ng kanilang printed version na lisensiya.
“Meron na po tayong sapat na bilang ng mga plastic card para masakop ang pag-imprenta ng mga driver’s license na nag-expire mula April 1 hanggang September 30 dahil sa tulong ng ating DOTr Secretary Jaime Bautista ay mas pinadami ang produksyon at mas pinabilis ang delivery para ma-address. na natin ang backlog sa driver’s license,” ani Mendoza.
Batay sa inilabas na memorandum ni Mendoza na may petsang Oktubre 4 at naka-address sa lahat ng Regional Directors, heads of district offices at iba pang opisyal, ang renewal ay mula Oktubre 6-31, 2023. Aniya, ang pag-iskedyul ng mga renewal ay upang maiwasan ang pagsisikip sa lahat ng tanggapan ng LTO sa buong bansa.
Ngunit para sa mga nakapag-renew na ng kanilang mga lisensya at nabigyan lamang ng paper-printed na driver’s license, sinabi ni Mendoza na ang kailangan lang nilang gawin ay bumalik sa licensing office at ipakita ang resibo ng kanilang bayad para sa pag-iisyu ng plastic version ng driver’s lisensya.
Nauna nang pinalawig ng LTO ang validity ng lahat ng driver’s license na nag-expire noong April 1, 2023 dahil sa kakulangan ng plastic cards. Nilinaw pa ng opisyal, dahil kaya na aniya ng ahensiya ang pag-imprenta ng plastic version ng driver’s license, ang naturang validity ay mawawalan ng bisa kung ang mga driver’s license holders ay mabibigo na i-renew ang mga ito sa mga nakatakdang petsa.