
Ni Estong Reyes
TINIYAK ni Senador Grace Poe na kanyang ipagpapatuloy ang paglikha ng patakaran at program para sa kagalingan ng manggagawa sa maritime industry matapos aprubahan ng Senado ang Magna Carta for Seafarers.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na malaki ang sakripisyong ginagampanan ng overseas Filipino workers (OFWs) tulad ng marino na kaya’t nararapat itong suklian ng bansa dahil malaking porsiyento ng gross national product (GNP) ang nanggagaling sa kanilang hanay.
“Umabot na sa 10 taon simula noong unang inihain natin ang Pilipino Marino bill upang protektahan ang interes at kagalingan ng marinong Filipino. Hindi na pangarap ang matagal nang paghihintay,” ayon kay Poe, chairman ng Senate committee on public services.
“Makakatiyak ngayon ang ating marino ng mas ligtas at modernong industriya ng maritime na kung saan pahahalagahan at poprotektahan sila at may kapasidad na gawin ang kanilang tungkulin,” ayon kay Poe.
Nitong Miyerkoles, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Magna Carta for Seafarers, isang panukalang sertipikado ng Palasyo.
Sinabi ni Poe na dapat manatiling mapagmatyag ang mahahalagang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na makukuha ng marino ang benepisyo ng Magna Carta sakaling malagdaan ito bilang batas.
“Bilang mambabatas, nangangako tayo na itutuloy ang pagsusulong ng mga patakarang may kaugnayan sa maritime at suportahan ang programa at proyekto na magpapaunlad at magatataguyod sa kaunlaran ng industriya ng maritime,” ayon kay Poe.
“Hindi lamang mapapaunlad ang kanilang pamumuhay sa pagsusulong ng karapatan at kagalingan ng ating Filipinong marino sa pamamagitan ng Magnak Carta, kundi matitiyak ang kanilang kaligtasan at tiyakin ang kinabukasan ng kanilang pamilya,” dagdag ni Poe.
Ngayong, ilang hakbang na lamang upang maging batas ang panukala ,sinabi ni Poe na sinusugan ng Magna Carta ang kagalingan ng mahigit kalahating milyong marino mula sa Pilipinas na nagtatrabaho sa barkong pampasahero at pagkarga sa buong mundo.
Nitong 2022, umabot sa $6.71 bilyon o 1.66% ng gross domestic product ng bansa ang kumakatawan sa remittances ng marino.
“Hindi maitatanggi na malaki ang kontribusyon ng marinong Pilipino sa pagpapaunlad ng ekonomiya lalo na ng maritime industry hindi lamang dito sa ating bansa maging sa buong mundo. Kinikilala sila sa kanilang angking sipag, dedikasyon, professionalism,” ayon kay Poe.
“Makatitiyak ang ating Pinoy seafarer na makinis silang makapaglalayag habang naglalayag sa dayuhang karagatan para sa kanilang pamilya,” dagdag ni Poe.