
DALAWANG Vietnamese at isang Chinese national ang inaresto ng pulisya matapos dukutin ang isa pang Vietnamese at ikulong sa isang condominium sa Pasay City.
Sa raid ay nasagip si Nguyen Thi Ly, 29 habang huli ang mga suspect na sina Mai Ngoc Huyen, 24; Tran Duy Ah, 26, kapwa Vietnamese; at si Wang Jie, 27, Chinese national.
Nabatid na bandang alas-3 ng medaling araw nang salakayin ng mga pulis ang condo ng mga suspect.
Isang Singaporean national ang humingi ng tulong sa pulis nang kidnapin ang kanyang nobya ng grupo ng mga suspect.
Ayon kay sa Singaporean, dinukot ang kaniyang nobya noong Setyembre 25 dakong alas-6:19 ng umaga sa may Ava Hotel sa Pasay City. Kumontak sa kaniya ang mga salarin at nanghihingi ng P900,000 na ransom na naibigay niya sa pamamagitan ng online transfer.
“Pero kahit nakapagbayad na siya, hindi pa rin pinakawalan ‘yung kanyang girlfriend kaya humingi na siya ng tulong sa mga pulis natin,” ayon kay PCol. Froilan Uy, hepe ng Pasay City Police Station.
Agad na nagtungo ang mga pulis sa naturang condominium building at nakipag-ugnayan muna sa security personnel bago pinasok ang naturang kuwarto. Dito positibong nakita ang biktima na nakakulong habang inaresto ang tatlong suspek na inabutan sa kuwarto. Nabatid rin mula sa biktima na sinasaktan siya ng mga suspect at ipinipilit na dagdagan pa ang ransom.
Sinampahan na ng kasong kidnapping for ransom ang tatlong dayuhan sa Pasay City Prosecutor’s Office. Inihahanda na rin ang report para iparating sa embahada ng mga suspect gayundin sa Bureau of Immigration.