
PITONG buwan bago ang takdang petsa ng 2025 midterm election, umarangkada na sa paglilinis sa hanay ang mayorya sa Kamara.
Bilang pambungad, sinibak bilang miyembro ng makapangyarihang Commission on Appointment (CA) si Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta matapos kontrahin ang mayorya matapos panigan si Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng Committee on Appropriations hinggil sa 2025 proposed budget ng Office of the Vice President (OVP).
Matapos ilaglag si Marcoleta, humalili naman si Manila Teachers partylist Rep. Virgilio Lacson sa naiwang pwesto ng kongresistang sinibak sa CA. Partikular na ikinadismaya ng mayorya ang patutsada ni Marcoleta sa di umano’y hindi pagsunod ng Kamara sa tradisyong “parliamentary courtesy” na karaniwang iginagawad sa Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa.
Giit ni Marcoleta, hindi na kailangan pang kalkalin ang budget ni VP Sara.
Sa ilalim ng umiiral na sistema, may 24 na pwestong pinaghahatian ng Senado at Kamara sa Commission on Appointments – 12 mula sa Senado at 12 rin galing sa Kamara.
Tungkulin ng CA sang-ayunan o tablahin ang nominado ng Pangulo sa mga sensitibong pwesto sa pamahalaan kabilang ang mga Cabinet members, ambassadors at senior AFP officials.
Bukod sa CA, inalis na rin si Marcoleta bilang miyembro ng House committee on energy, justice, public accounts at constitutional amendments.
Bago pa man tuluyang hinubaran si Marcoleta, una na siyang inilaglag bilang vice chairman ng House committee on good government and public accountability na inatasang mag-imbestiga sa di umano’y katiwalian sa pondo ng OVP at Department of Education (DepEd) na dating hawak ni Duterte.
Ang tanging pribilehiyong naiwan kay Marcoleta – ang karapatan bumoto sa plenaryo.