BAHAGYANG naibsan ang duda ng publiko sa mga aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP), matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pawang retiradong heneral ang sangkot sa destabilization plot laban sa gobyerno.
Bagamat hindi pinangalanan ni Marcos ang mga aniya’y nasa likod ng destabilization plot, kumbinsido naman ang Pangulo na pawang retirado ang gumagapang para kumuha ng suporta sa sinasabing kudeta.
Una nang ibinunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang nilulutong kudeta ni former President Rodrigo Duterte, kasama ang mga retiradong at aktibong heneral mula sa hanay ng PNP. Target aniya ng kampo ni Duterte patalsikin sa Palasyo ang Pangulo sa hangaring i-upo sa pwesto si Vice President Sara Duterte na anak ng dating punong ehekutibo.
Giit ni Marcos, walang aktibong miyembro ng PNP na bahagi ng destab plot laban sa administrasyon – kundi mga retiradong heneral.
“I don’t see.. wala kaming report na in the ranks. Iyong mga retired baka mayroon, mayroong mga gumagalaw, sumasama sa destab na ginagawa. Pero sa ating mga kapulisan syempre lalo na sa officer corps, wala naman tayong nakikitang ganun na namumulitika ang mga pulis,” sambit ng Pangulo.
Wala na rin aniyang dahilan para maglunsad ng loyalty check sa hanay ng PNP, at sa halip ay sisilip na lamang sa record ng serbisyo.
