TATLO katao — kabilang ang isang apat na taong gulang na batang lalaki — ang nasugatan makaraang madiskaril ang caterpillar rides sa isang peryahan sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigan ng Bulacan.
Agad na dinala sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital ang mga sugatan na kinilalang sina Lyra Borca, 30-anyos, 4 na taong gulang na anak na si Markus Martin at isang nagngangalang Jeffrey Parulan.
Batay sa imbestigasyon ng Sta. Maria Police, naganap ang insidente dakong alas 9:00 ng gabi sa loob ng peryahan sa kahabaan ng JP Rizal Street sa Barangay Poblacion.
Kwento ng mga saksi, nakasakay umano ang mag ina sa isa sa mga bagon ng caterpillar rides nang biglang kumalas. Tumilapon umano ang mag-ina at aksidenteng tinamaan ang isa pang bagon na sinasakyan naman ni Parulan.
Agad naman dinakip ng pulisya ang caterpillar operator na si Jerome Branzuela, operations manager na si Nardo Diwa at ang may-ari ng peryahan na si Eric Benzon.
Nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injury ang mga nabanggit na indibidwal. (LILY REYES)
