KUNG hindi pa rin bubuhos ang ulan sa mga susunod na araw, posibleng pumalo na sa 180-meter critical level ang antas ng nakaimbak na tubig sa Angat Dam, ayon sa
Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa pinakahuling datos ng ahensya, bumaba na sa 183.99 metro ang water level sa Angat – mas mababa pa kumpara sa 184.38 meters na naitala noong Huwebes.
Nobenta porsyento ng supply na kailangan ng Metro Manila at mga karatig probinsya ng Rizal, Cavite at Bulacan ay mula sa Angat Dam.
Bukod sa Angat, nagtala rin ng mabilis na pagbaba sa water level ng La Mesa, Binga, San Roque at Magat dam bunsod ng sabayang epekto ng panahon ng tag-init at El Niño phenomenon.
Kamakailan lang, nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kasabay ng panawagan sa mga golf course operators na nakabase sa Metro Manila na magtipid sa paggamit ng tubig sa gitna nakaambang krisis.
