Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
WALANG nakikitang dahilan ang mga kongresista ng Kamara para bawiin ang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., anuman ang piliing landas hinggil sa usapin ng pagpasok ng International Criminal Court para ituloy ang imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga.
Para kay Deputy Majority Leader at Tingog partylist Rep. Jude Acidre, higit na angkop isulong ng Pangulo katarungang hanap ng mga naulilang pamilya ng libo-libong biktima ng extra-judicial killings sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Partikular na tinukoy ni Acidre ang napipintong pulong ng Department of Justice (DOJ) kay Marcos para sa isang briefer na magsisilbing gabay sa magiging posisyon ng administrasyon sa usapin ng ICC.
Ayon kay Acidre, malinaw ang tinatahak ng Pangulo – hindi pa sarado ang gobyerno sa maaaring maging tugon ng administrasyon sa naturang usapin.
“Nakakatuwa na ang Presidente at Malacañang ay hindi sarado ang isipan at nakikinig at inaaral kung ano ang mas makakabuti para sa lahat,” sabi pa ni Acidre.
Iginigiit ng Tingog partylist lawmaker ang kahalagahan na pakikipagtulungan ng Pilipinas sa ICC lalo na sa pagtataguyod ng rules-based international order na ang tanging hangad ay tiyakin ang “accountability at justice” sa mga lokal na kasong mahirap resolbahin.
“I think mahalaga rin na kasama tayo sa mga structures like ICC kasi sa isang mundong paliit ng paliit at nagkakaroon ng borderless crimes at minsan may pagkakataon pang ‘yung isang bansa ay hindi na kayang papanagutin ang mga gumagawa ng krimen,” paliwanag ni Acidre.
“Joining the ICC, withdrawing from it or returning to it is a call that the administration is in a better position to determine. Kasi nga mas alam nila kung ano ang nakakabuti at kami naman sa Kongreso ay titimbangin din namin kung saka-sakali,” dagdag pa ng kongresista kasabay sa panawagan para sa masusing pag-aaral ni Marcos bago maglabas ng pinal na posisyon.
Sinabi naman ni Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernesto Dionisio sa isang pulong-balitaan na mahalaga ang DOJ briefer dahil mabibigyan ng linaw ang lahat ng aspeto sa pagkonsidera ng partisipasyon ng bansa sa ICC inquiry.
Marapat lang aniya na magkaroon ng access si Marcos sa lahat ng “comprehensive information” bago magpasya sa kung ano ang dapat maging relasyon ng ICC at ng bansa.
Wala rin aniyang dapat ikatakot ang sinuman sa gagawin ng ICC kung sadyang walang nagawang kasalanan – “If there is nothing to hide, why be afraid of ICC?”
