Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PALAISIPAN sa mga miyembro ng Kamara ang motibo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay ng tinaguriang PDEA Leaks sa kabila ng walang puknat na batikos ng mga kabaro sa Senado.
“Nakakapagtaka na aabot pa ito sa third hearing. This is a clear waste of time and a waste of governments’ money, waste of taxpayers’ money,” reaksyon ni Isabela Rep. Faustino “Inno” Dy V, na tumatayong vice-chairperson ng House Committee on Appropriations.
“For me this is a dead end. Wala na ho itong patutunguhan pero pinagpipilitan… may motibo, there is clearly a motivation why someone would keep pushing, will keep pushing for this to really malign someone, malign our president, malign the actress that was also involved, Maricel Soriano,” dugtong pa ng Isabela solon.
Matatandaan na biglang lumutang sa nasabing Senate investigation si ex-PDEA agent Jonathan Morales, na dati nang sinibak sa serbisyo dahil sa “dishonesty at misconduct” sa hangaring ipahiya ang Pangulo gamit ang huwad na dokumento.
Kamakailan lang, nanawagan si Senate President Migz Zubiri sa mga kapwa senador na maging maingat sa posibleng paninirang puri sa mga pagdinig, habang sina Sens. Chiz Escudero at Jinggoy Estrada naman ay kapwa inupakan ang pagkatao Morales.
Diin ni Dy, napatunayan naman na ang ang mga dokumentong inilabas ng ex-PDEA agent ay peke – bukod pa sa kawalan ng kredibilidad ni Morales para patunayan ang alegasyon kontra kay Marcos at sa premyadong aktres.
“Nakakapagtaka lang kasi yung timing. Kung kailan sinusubukan siraan ang Presidente, ang administrasyon ngayon, tapos ngayon supposedly may ganitong klaseng PDEA Leaks na mismong ang ahensya ng PDEA ay sinasabing walang ganitong dokumento.”
