
HINDI pa man ganap na napapanagot ang kumpanyang responsable sa pagtagas ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress, muling ‘umusok ang ilong’ ng isang senador bunsod ng panibagong aksidente sa karagatan sa lalawigan ng Basilan.
Sa pagkadismaya, iminungkahi ni Sen. Grace Poe ang paglikha ng isang independent agency na nagsasagawa ng malalim, makatotohanang imbestigasyon at magbigay ng kaukulang rekomendasyon sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga sasakyan sa karagatan.
Partikular na isinusulong ni Poe ang pagkakaroon ng Philippine Transportation Safety Board na susuri sa lahat ng detalyeng angkop sa pamantayan sa ilalim ng konsepto ng ligtas na transportasyon.
Para kay Poe, ang dalawang insidente – ang paglubog ng MT Princess Empress at pagkasunog ng MV Lady Mary Joy 3 – ay patunay na kapos sa aspeto ng kaligtasan ang sistema ng transportasyon.
Pebrero 28 nang lumubog ang MT Princess Empress sa karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro na nagdulot ng malawakang oil spill sa Tablas Strait sukdulang maapektuhan ang kalikasan, kabuhayan at turismo sa limang lalawigan kabilang ang Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Antique, Palawan at Batangas.
Sa pinakahuling tala ng National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 173,000 mamamayan ang apektado bunsod ng insidente.
Pag-aari ng RDC Reield Marine Services ang MT Princess Empress na ayon sa Maritime Industry Authority (MARINA) ay walang Certificate of Public Convenience (CPC).
“Hindi pa man nabibigyan ng reparasyon ang nakaraang insidente, isang trahedya ang gumulantang mula sa atin na kumitil ng maraming buhay at nakasira sa kapaligiran,” ayon kay Poe sabay tukoy sa nasunog na MV Lady Mary Joy 3 sa Jolo kamakailan.
“Malinaw na kapos na kapos ang gamit pangkaligtasan ng ating sistema ng transportasyon,” giit ni Poe.
Ani Poe, higit na angkop na tiyakin munang ligtas ang mga barko, eroplano, at maging ang mga bumabyahe sa mga kalsada bago pahintulutan ang paglalayag sa karagatan, paglipad sa himpapawid at pagbiyahe sa lupa.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pamilya ng biktimang namatay sa naturang trahedya.
“We urge the authorities to continue their search and rescue efforts for the missing passengers. The fire in the M/V Lady Mary Joy 3 en route to Basilan is preventable had everyone – ship owner, crew, PCG and MARINA been diligent in ensuring safe voyage and value the life of passengers onboard,” giit ni Villanueva.
Aniya pa, bumabalik sa ating alaala ang kapabayaan at korapsyon sa pagpapatupad ng kaligtasan sa lahat ng barko.
Para kay Villanueva, mistulang ‘floating kabaong’ ng mga barkong pinag-uubra at pinapayagan maglayag sa kabila ng maraming depekto.
“With these tragic events, it seems that we are backsliding from the reforms in maritime safety. Thus, we will file a resolution to look into how the concerned agencies, especially the MARINA and Philippine Coast Guard (PCG), are strictly enforcing rules on seaworthiness, safety requirements, and manning compliance of the vessel.”