
HINDI pribilehiyo ang kalusugan – karapatan yan ng bawat mamamayan, ayon sa isang beteranong mambabatas kasabay ng pagtugon sa 200 pasyente ng isang pampublikong pagamutan sa lungsod ng Maynila.
Sa pagpapatuloy ng medical caravan ni Se. Alan Peter Cayetano, San Lazaro Hospital naman ang pinasadahan, bitbit ang adbokasiyang nagsusulong ng libre at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Ayon kay Cayetano, isinagawa ang pagtulong sa pasyenteng hindi kayang matugunan ang sariling pangangailangan-medikal sanhi ng kahirapan o kakapusan ng pansariling badyet.
Sa pakikipag-ugnayan kay SLH Medical Chief II Dr. Edmund B. Lopez, naglagay bg medical assistance desk ang Tulong-Medikal team ni Cayetano sa naturang ospital para tugunan ang mga pasyenteng may pneumonia, tuberculosis, hypertension, kagat ng hayop, at iba pang isyu sa kalusugan.
Sa datos ng SLH, umabot sa P1-milyon ang kinargo ng medical caravan sa bayarin ng mga pasyente, at mga gastusin sa gamot, bakuna, laboratory at medical procedures na bahagi ng gamutan.
Kabilang sa mga nabiyayaan ng programa si Marina Asuncion, residente ng Tondo, Maynila na noon ay nasa emergency situation matapos makagat ng ligaw na pusa. Hindi niya kayang bayaran ang bakuna na kailangan para sa kanyang paggamot dahil lumabas sa skin test na siya ay allergic sa karaniwang ginagamit na bakuna.
“Kanina pa po ako nag-aalala kung saan ko kukunin ang aking pambili ng vaccine. Sana patuloy po kayong tumulong sa mahihirap,” wika ni Asuncion.
Mula noong Oktubre 2022, ang tanggapan ni Cayetano ay nagpaabot ng tulong medikal sa mahigit isang libong pasyente mula sa buong bansa.
Patuloy na maglalagay ng medical desks ang ‘Tulong-Medikal’ team ng senador sa iba’t ibang ospital sa buong bansa para matulungan ang mas marami pang maralitang Pinoy na walang kakayahang pinansyal para sa sariling kalusugan.
Sa pagsisimula ng 19th Congress noong nakaraang taon, inakda ni Cayetano ang ilang mga panukalang batas na may kaugnayan sa kalusugan – Senate Bill 303 (Barangay Health Centers Act), SB 304 (Super Health Centers in All Cities and Municipalities), SB 60 (Health Passport System Act), SB 68 (Mahal ko, Barangay Health Worker Ko Law), at SB 305 (Floating Hospitals Act)