TALIWAS sa paniwala ng ng ilang mananalaysay (historian), nailigtas ng deklarasyon ng Martial Law noong September 21, 1972 ang Pilipinas na noo’y nakaambang pag-akap ng ideolohiyang komunismo, ayon sa bagitong mambabatas na si Senador Robin Padilla.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Padilla na nadinig lamang ng mamamayan ang nag-iisang naratibo hinggil sa pangyayari sa martial law katulad ng pag-aresto ng libo-libong oposisyon, pagkawala ng kritiko ng Marcos administration, at pagbagsak ng ekonomiya.
Ayon kay Padilla, masyadong makapangyarihan noong 1970 ang komunismo sa southeast Asia.
“‘Yung isang narrative ay ang martial law ay nagdulot ng pagliligtas sa ating bansa na tayo po ay maging communist country at marami din po tayong kasundaluhan ang nagbigay ng buhay para maligtas po ang ating bayan na tayo po ay makubkob ng mga komunista,” aniya.
“Kung kinikilala niyo ‘yung bayani niyo diyan, meron ding bayani dito. Dapat din natin silang kilalanin, giit ni Padilla.
Naghain ng isang panukalang batas si Padilla upang ideklara ang September 21 bilang selebrasyon ng unsung heroes noong martial law. Aniya, kanyang babaguhin ang non-working holiday kung tututol ang labor department.
Alinsunod sa ulat ng global human rights watchdog Amnesty International, umabot sa 100,000 ang naging biktima ng martial law, na may 3,000 pinatay, 34,000 tinortyur at 70,000 ang inaresto, habang pumalo naman di umano sa $10 bilyon ang kabuuang halagang nakulimbat ng pamilyang Marcos — base sa World Bank-United Nations Office on Drugs and Crime’s Stolen Asset Recovery report.