KABILANG sa nais isalang ng House prosecution panel ang isang “Mary Grace Piattos” na kasama sa talaan ng benepisyaryong tumanggap ng confidential funds na inilaan sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang online press conference, binigyang diin ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na malaking bentahe sa prosekusyon ang testimonya ni Mary Grace Piattos at iba pang miyembro ng tinaguriang budol gang.
“So again, it would be better lahat who tayo excited makilala Mary Grace Piatos dahil parati natin to naririnig for the past year. So let’s see kung meron talaga silang, meron talagang tao na mag-appear before the court na ako si Mary Grace Piattos,” wika ni Adiong.
Umani ng katanyagan si Mary Grace Piattos na kabilang sa mga recipients ng confidential funds ng Office of the Vice President, gayundin ng Department of Education (DepEd) dahil sa nakakatawang pangalan na halaw sa isang sikat na kainan at mabentang sitsirya.
Gayunpaman, lumalabas na walang Pinoy na nagngangalang Mary Grace Piattos ang nakarehistro sa Philippine Statistic Authority (PSA).
Bukod kay Mary Grace Piattos, kasama rin sa mga ipapatawag ng House prosecution panel ang isang Kokoy Villamin na nakalagda rin sa acknowledgement form na ipinrisinta ng OVP sa Commission on Audit.
