MULING nalagay sa alanganin ang dalawang senador na kilalang kaalyado ng pangalawang pangulo matapos atasan ng Office of the Ombudsman magsumite ng paliwanag sa nangyaring pagtakas ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa habang nasa “protective custody” ng mataas na kapulungan.
Partikular na tinukoy ni Ombudsman Crispin Remulla ang reklamong “obstruction of justice” na inihain laban kina Senador Alan Peter Cayetano at Robin Padilla. Damay rin sa reklamo si former Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.
Sa kautusan ng Ombudsman, binigyan lang ng 15 araw sina Cayetano, Padilla at Aplasca para makapagsumite ng kontra salaysay bilang bahagi ng isinasagawang preliminary investigation.
“Respondents are likewise required to submit proof of service of their counter-affidavit and controverting evidence to the complainants, who may file a reply-affidavit within a non-extendible period of five days from receipt of the same, with proof of service to the respondents.”
Sakaling isnabin nina Cayetano, Padilla at Aplasca ang kautusan, pwede naman umanong resolbahin ng Ombudsman ang reklamo batay sa rekord, video at litrato ng mga kaganapan sa senado bago pa man tuluyang nakatakas si Dela Rosa.
Target ng manhunt operation si Dela Rosa bunsod ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng nagdaang administrasyon.
