MAHIGIT isang oras matapos tumuntong sa Pilipinas, agad din biniyahe sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City si Mary Jane Veloso na nakulong sa bansang Indonesia ng mahigpit 14 taon.
Gayunpaman, binigyan ng pagkakataon ng National Bureau of Investigation (NBI) na makasama ng ilang minuto ni Veloso ang dalawang anak at mga magulang na sina Cesar at Celia bago tuluyang tumulak sa piitan.
Bandang alas 5:40 kaninang umaga nang lumapag ang eroplanong sinakyan ni Veloso, kasama sina Foreign Affairs Secretary Eduardo dela Vega at ibang opisyal ng pamahalaan.
Pasado alas 7:00 ng umaga nang makarating si Veloso sa CIW na magsisilbing tahanan sa nalalabing panahon ng sintensya – maliban na lang kung pagbibigyan ang kahilingan clemency mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Gusto ko na makalaya ako… Clemency… mapawalang sala. Kasi wala akong kasalanan,” pahayag niya.
Taong 2010 nang hatulan ng korte sa Indonesia ng parusang kamatayan si Veloso dahil sa drogang nadiskubre sa bitbit niyang bagahe.
Sa pakiusap ng pamahalaan ng Pilipinas, ipinagpaliban ang pagbitay kay Veloso hanggang sa nabuo ang kasunduan na ilipat na siya sa pamamahala ng Pilipinas.
Sa CIW, nakatakdang sumailalim sa quarantine si Veloso, at 55 araw na orientation at security evaluation bago ilipat sa regular na selda.
