Ni ESTONG REYES
HINDI pa man nakakawala sa paratang na sangkot sa ilegal na operasyon ng POGO at kwestyunableng citizenship, isang panibagong bulilyaso ang nabisto ni Senador Risa Hontiveros sa tunay na pagkatao ni Bamban Mayor Alice Guo.
Sa kanyang Facebook post, isiniwalat ni Hontiveros ang di umano’y koneksyon ng alkalde sa mga kriminal.
Katunayan aniya, kasosyo pa ni Guo sa kanyang kumpanya ang dalawang dekalibreng criminal personality – ang Chinese national na Zhang Ruijin at Baoying Lin mula sa Dominican Republic.
Batay aniya sa rekord ng Securities and Exchange Commission, pasok sina Ruijin at Lin sa kumpanya ni Guo – ang Baofu Land Development Incorporated.
“Ang daming red flag ni Mayor Alice Guo. Wala na ngang maayos na record sa Pilipinas, may mga koneksyon pa sa mga kriminal. Is this why she is able to afford her lavish lifestyle? Galing ba sa mga kriminal at pugante ang pambili niya ng chopper at luxury cars?” pasaring ng senador na tumatayong chairperson ng chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
“Given her connections to criminals, I welcome the DILG’s move to remove Mayor Guo’s power over the local police. Dapat wala nang access si Mayor sa ating kapulisan kung siya pala ay protektor din ng mga kriminal,” dagdag ni Hontiveros na
Sa nakalap na impormasyon ni Hontiveros, pasok din sa kumpanya ni Guo sina Filipino national Rachel Joan Malonzo Carreon, at Cypriot national Zhiyang Huang.
Ayon kay Hontiveros, hinatulan ng korte sa Singapore si Zhang Ruijin na pinaniniwalaang utak sa likod ng tinaguriang “largest money laundering case” sa naturang bansa.
Nahaharap din ang Dominican national, Baoying Lin, ng kasong kriminal.
“According to a report by Channel News Asia, Zhang Ruijin has “$41 million in assets overseas, including shareholdings in a Philippine real estate development company,” ani Hontiveros.
Suspetsa ni Hontiveros, sa ilegal na aktibidades nagmula ang perang ginastos ni Guo noong kumandidato bilang mayor ng Bamban.
“Ayon mismo kay Mayor, tinulungan daw siya ng mga kaibigan niya para makatakbo sa eleksyon noong 2022. Itong mga kriminal at puganteng kaibigan ba ang sinasabi niya?” tanong ni Hontiveros.
“Kahit pa sabihin niyang nag-divest na siya sa Baofu bago tumakbo, the fact remains: she has ties with these criminals. Kaya ba siya tumakbong Mayor para maprotektahan niya ang mga kaibigan niya? I am looking forward to our hearing on Wednesday. Sana naman may maalala na si Mayor,” pahabol ng senador.
Samantala, tinabla ni Guo ang panawagan para sa kanyang pagbibitiw bilang alkalde ng bayan ng Bamban.
Sa halip na resignation, reelection aniya ang kanyang pinaghahandaan sa halalan sa susunod na taon.
“Hindi po, hindi ako magreresign. I will continue serving my constituents,” ani Guo sa isang panayam sa telebisyon.
