SA loob ng nakalipas na tatlong taon, usap-usapan sa mga tambayan ang pagdukot sa mga bata ng isang sindikatong gumagamit ng puting van. May naniwala, meron din naman hindi.
Pero sa isang hindi inaasahang pagkakataon, binasag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pananahimik hinggil sa naturang usapin.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng DSWD ang paggagala ng mga puting van sa iba’t ibang bahagi ng bansa — kabilang ang Metro Manila, para manguha ng mga bata.
Gayunpaman, taliwas sa kumakalat na balita na kinukuhanan ng “internal organs” ang mga bata para ibenta sa blackmarket – kung hindi man ginagawang pulubi sa lansangan, nilinaw ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na puting van na tinutukoy sa kwento ay pag-aari ng gobyerno — partikular ng DSWD.
Katunayan aniya, ang pagdampot ng puting van sa mga bata ay isang operasyon na naglalayong sagipin ang mga biktima sa pang-aabuso ng mga sindikatong gumagamit ng mga bata para magpalimos sa lansangan.
Sa Lingguhang Kapihan sa Manila Bay, inihayag ni Gatchalian ang tunay na anyo ng pagtulong sa mga street dweller sa bisa aniya ng “Pag-Abot Program” na lehitimong kaagapay para sa serbisyo-publiko ng pamahalaan sa mga mamamayang pinagkaitan ng sapat na kabuhayan.
Nagsimulang umusad ang programa matapos mapansin ang pagdami ng mga batang nagkalat sa lansangan habang namamalimos, partikular ang mga batang Badjao na kasama pa ng kanilang mga magulang.
Mahigpit na ipinag-utos ni Gatchalian sa 100 DSWD personnel na kupkupin pansamantala at kumbinsihin ang lahat ng madadaanang street dwellers na bumalik sa kanilang mga probinsya, gamit ang puting Van na may logo ng DSWD. (JULIET Q. PACOT)
