ISANG buwan matapos ang malawakang kilos-protesta kontra korapsyon na sinabayan ng banta ng kudeta, inihayag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang napipintong paghahain ng kasong kriminal laban sa mga retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na umano’y nanawagan ng pag-aalsa laban sa pamahalaan.
Sa isang kalatas, nilinaw ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na hindi niya kailanman pinagbawalan ang mga sundalo na makibahagi sa kilos protesta laban sa malawakang korapsyon.
Gayunpaman, mahigpit na ipinagbabawal sa mga sundalo — kesehodang retirado o aktibo sa serbisyo — ang manghikayat para sa anumang marahas na plano laban sa gobyerno.
Ito’y kaugnay umano sa anomalya sangkot ang Department of Public Works and Highways, Contractor’s at iba pang opisyal ng pamahalaan sa kontrobersyal na flood control project.
Dagdag pa ng AFP Chief, bukod sa usapin ng flood control projects, pinagtutuunan din ng pansin ng sandatahang lakas ang internal security operations at territorial defense sa West Philippine Sea.
Kasunod nito, tiniyak ni Brawner na nananatili ang AFP tapat sa konstitusyon at propesyonalismo sa kabila ng ingay politika. (EDWIN MORENO)
