ANG mga tangkang ipinta ng bansang China ang kontrol sa Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc) bilang usapin ng ‘malasakit sa kalikasan’ ay hindi kayang baguhin ng katotohanan — at lalong hindi nito nabubura ang karapatan ng Pilipinas na kinikilala ng kasaysayan at ng pandaigdigang batas.
Sa mga nagdaang araw, sunod-sunod na ulat mula sa mga media na malapit sa estado ng China ang naglalarawan sa Beijing bilang tagapangalaga ng Scarborough Shoal, habang ang mga mangingisdang Pilipino at presensya ng Pilipinas ang ginagawang problema.
Maayos at tila siyentipiko ang tono, ngunit malinaw ang pakay — gawin normal ang kontrol ng China at isantabi ang lehitimong karapatan ng Pilipinas.
“Hindi na bago yan,” wika ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia. “Matagal nang ginagamit ang magagandang salita para pagtakpan ang okupasyon. Nagbago lang ang bihis. Ngayon naman, conservation na ang tawag.”
Batas Ang Sandigan
Diretso na tayo. Ang Scarborough Shoal ay malinaw na nasa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone. Hindi ito opinyon o palagay. Pinagtibay ito ng arbitral ruling noong 2016.
“Hindi nababago ng magagandang salita ang legal na katotohanan,” ani Goitia. “Hindi mo pwedeng tawaging pangangalaga ang isang bagay na wala kang karapatan.”
Ang pagturing sa Pilipinas na parang dayuhan sa sariling karapatan ay malinaw na pagbaluktot ng batas. Kahit anong bihis ang ibigay, ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi kailanman kapalit ng soberanya.
Hindi Mga Dayuhan
Bago pa ang mga patrol at ulat, naroon na ang mga mangingisdang Pilipino sa mga katubigang ito. Dito sila nabuhay at dito nila itinaguyod ang kanilang pamilya.
“Hindi pumasok ang ating mga mangingisda bilang mga lumalabag,” ani Goitia. “Ito ang dagat na kinalakihan nila at dito sila naghahanapbuhay.”
Ang pagtawag sa kanila bilang ilegal ay mali. Binubura nito ang kanilang kasaysayan at minamaliit ang kanilang hanapbuhay.
Pabago-Bagong Buladas
Ayon mismo sa mga ulat ng China, nananatiling maayos at malusog ang bahura sa lugar. Kung gayon, mahirap ipilit na ang Pilipinas ang sanhi ng sinasabing pinsala.
“Kung maayos ang bahura, walang batayan ang paratang,” sabi ni Goitia. “Kung may problema man, kailangang patas ang pagsusuri at isama ang epekto ng matagal na presensya ng malalaking barko, mga blockade, at mga paghihigpit.”
Hindi pwedeng pumili lang ng sisisihin. Ang tapat na pagsusuri sa kalikasan ay kailangang isaalang-alang ang lahat ng salik, kabilang ang tuloy-tuloy na patrol at pagka gambala sa tradisyunal na pangingisda.
Kathang-Isip Lamang
Ang mga pahayag ng pag-angkin ng China sa Palawan ay walang batayan. Hindi ito sinusuportahan ng kasaysayan, batas, o anumang kasunduan.
Ang Palawan ay malinaw na bahagi ng Pilipinas, kinikilala ng pandaigdigang komunidad at pinamamahalaan ng bansa sa mahabang panahon. Walang seryosong historyador, legal na iskolar, o internasyonal na institusyon ang kumikilala sa ganitong kathang-isip.
“Kapag mas pinalaki ang kasinungalingan, mas lantad itong nagiging mali,” ani Goitia. “Ang Palawan ay hindi pinagtatalunan at hindi maaaring baluktutin ang kasaysayan nito.”Ang pananahimik sa ganitong pahayag ay parang pagpayag na maging normal ang mali. Kaya kailangan tumugon nang malinaw at direkta.
Tahimik Pero Matatag
Hindi sigawan o pananakot ang tugon ng Pilipinas. Sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., malinaw ang direksyon: batas ang sandigan at institusyon ang lakas.
Nangunguna ang Philippine Coast Guard sa pagbabantay sa ating karagatan at pagprotekta sa mga mangingisda, habang malinaw ang tindig ng Department of National Defense sa pamumuno ni Secretary Gilberto Teodoro na ang soberanya at karapatan ng Pilipinas ay hindi tinatakot at hindi tinatawaran.
“Hindi ito palabas,” sabi ni Goitia. “Ito ay seryosong pamamahala.”
Paninindigang Matatag
Hindi sa lakas ng boses nasusukat ang pagkamakabayan. Makikita ito sa linaw ng isip, tibay ng loob, at paninindigan sa batas.
“Hindi nadedesisyunan ang soberanya sa ingay o dami ng ulat,” sabi ni Goitia. “Ito ay pinagtibay ng batas, ng kasaysayan, at ng dangal ng bayang tumatangging mabura sa sariling karagatan.”Sa ganitong tindig, nananatiling matatag, makatarungan, at hindi matinag ang Pilipinas.
Si Dr. Jose Antonio Goitia, Juris Doctor, PhD, ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na mga advanced degree kabilang ang MNSA, MPA, at MBA, bukod pa sa iba.
