SA kabila ng pagtanggi ng pangasiwaan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hinggil sa napaulat na paggamit ng mga pribadong eroplano sa pagpupuslit ng mga dayuhan, nanindigan ang isang senador na kailangan managot ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa maluwag na sistemang nagbibigay-daan sa human smuggling.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, hayagang sinabi ni Sen. Grace Poe na maraming pagsuway sa umiiral na regulasyon sa loob ng paliparan, batay na rin aniya sa kaganapan noong Pebrero 13,2023.
Para kay Poe, higit na kailangan liwanagin ang dahilan sa likod ng maluwag na polisiyang nagbubukas aniya ng posibilidad na muling malagay sa alanganin ang seguridad ng bansa.
“Noong unang lumabas ang balitang ito, inakala natin na human smuggling lang ang issue dito. But the more that we look into this flight, the more questions arise. May mga anomalya tayong nasilip na sana ay masagot sa imbestigasyon,” ayon kay Poe.
Sa pagtatanong ni Poe, inamin ni MIAA chief Cesar Chong na nagkaroon ng ‘lapses’ sa paliparan. Partikular na tinukoy ni Chong ang paglabas-masok ng ilang taong hindi otorisado sa restricted area ng NAIA at paglipad ng eroplano ng walang kaukulang clearance mula sa ‘kinauukulan.’
Kastigo naman ang tugon ni Poe sa opisyal ng MIAA nang payagan makapasok ang ilang sasakyan nang hindi man lang sinuri ang pagkakakilanlan ng pasahero.
Ayon kay Poe, dapat magsagawa ang awtoridad ng masusing inspeksiyon sa bagahe na sinasabing VIP passenger upang matiyak na hindi sila nagdadala ng smuggled items o kontrabando tulad ng droga, pera at iba pang karaniwang ipinupuslit.
Mungkahi ng senador isalang sa pagsusuri ang air charter companies at local aircraft ground handler tulad ng Globan Aviation Services Corporation.
Una nang pumutok ang balita hinggil sa paggamit ng mga pribadong eroplano sa human smuggling batay sa alarmang inilabas ng Philippine National Police – Aviation Security Group hinggil sa 14 na dayuhang nakapuslit palabas ng bansa sa isang eroplanong anim lang ang deklaradong pasahero.