SA halip na magtakda ng paghihigpit sa mga private resorts at golf course na kumokonsumo ng malaking bahagi ng supply ng tubig, pinagdiskitahan ng Palasyo ang mga maliliit na inflatable swimming pools na karaniwang gamit ng mga pamilyang hindi kaya ang gastusing kalakip ng summer outing.
Sa isang pahayag, nanawagan si El Niño Task Force spokesperson Assistant Secretary Joey Villarama sa publiko na makipagtulungan sa pamahalaan para maibsan ang nakaambang epekto ng El Niño sa paraan ng pagtitipid ng tubig.
Gayunpaman, ang nakikitang solusyon ni Villarama sa patuloy na pagbaba ng water level sa mga dam – sawayin ang publiko sa paggamit ng inflatable pool na karaniwang gamit ng mga bata.
Bukod sa pag-iwas sa paggamit ng inflatable pools, mungkahi rin niyang limitahan ang pagligo.
Para kay Villarama, angkop lang na paghandaan ang napipintong epekto ng tagtuyot.
Sa halip na mag swimming gamit ang inflatable pools, pinayuhan ng opisyal ang publiko gawin na lang mas madalas ang pag-inom ng tubig para maibsan ang sobrang init na dala ng ng panahon.
“We are also asking the help of everyone so that we can overcome the possible impact of El Niño through small behavioral changes in conserving water, food and energy,” pagtatapos ni Villarama.
