
PINALAGAN ng isang militanteng senador ang panukala ng mga kaalyado ng administrasyon na isapribado ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Para kay Sen. Risa Hontiveros, hindi solusyon ang privatization sa humuhulas na kondisyon ng kontrobersyal na paliparang higit na kilala sa kabi-kabilang kapalpakan.
Ayon kay Hontiveros, sa halip pagtuunan ng pansin ang privatization ng NAIA at iba pang paliparan, dapat paghusayin ang Manila International Airport Authority (MIAA) at mga katuwang na ahensya ang pamamahala.
Hindi rin aniya dapat kalimutan magtakda ng parusang kalakip ng kapalpakan.
“Hindi silver bullet o tamang reseta ang privatization sa lumalalang problema ng palpak na serbisyo sa ating mga paliparan. This is an issue of performance and accountability – hindi gaganda ang serbisyo sa NAIA kahit pa pribadong sektor ang nagpapatakbo nito, kung wala namang reporma pagdating sa sistema ng pangangasiwa ng NAIA at ng iba pang paliparan sa bansa,” ayon kay Hontiveros.
Nanindigan rin ang senador na hindi garantiya ng pinahusay na serbisyo ang pangangasiwa ng pribadong sektor sa public utilities tulad ng paliparan, pantalan, patubig, elektrisidad at transportasyon.
“Tingnan natin ng maigi ang nangyari sa ating water, power at rail utilities, na ilang dekada nang privatized. Mahal na singil at paulit ulit na problema ang hatid ng mga utilities na iyan sa mamamayan,” aniya.
Binanggit din ni Hontiveros ang pag-aaral na isinagawa ng International Air Transport Association (IATA) kung saan lumalabas na lima sa anim na pinakamahusay na paliparan sa buong mundo at pag-aari at nasa ilalim ng pangangasiwa ng gobyerno.
Nang hingan ng detalye, tinukoy ni Hontiveros ang Hamad, Tokyo, Incheon, Paris Charles de Gaulle, Istanbul na pasok sa kategorya ng ‘rated best’ sa buong mundo.
“The majority of the best airports in the world remain state-owned. There are plenty of good practices in airport operations for us to emulate, if the government is indeed serious about fixing our airports.”
“Instead of rushing towards privatization and deregulation, Malacanang, the Department of Transportation and its attached agencies should work towards ensuring clear lines of accountability and responsibility in relation to airport operations. Ayusin natin ang sistema ng pagpapatakbo ng NAIA, para hindi nauuwi sa turuan at kamot ng ulo ang pagtugon sa bawat isyu – mapa power outage man, mahabang pila, o aksidente sa paliparan,” aniya pa.