NAGBABALA si House Assistant Majority Leader at Manila 1st Dist. Rep. Ernix Dionisio Jr. hinggil sa mga kandidatong pinopondohan umano ng mga nagpapatakbo sa illegal Philippine Offshore Gambling Operators (POGO), na kapag nanalo o naluklok sa pwesto ay kapakanan lamang ng huli ang uunahin at hindi ang ikabubuti ng mamamayang Pilipino.
“Ang problema natin naman ngayon na hinaharap natin, same individuals involved in illegal gambling in POGOs. They’re trying to get in government. If you would see, ang daming tumatakbo. Gusto makapasok sa pamahalaan para proteksyunan na naman ‘yung mga illegal na gawain nila,” wika ng ranking House official.
Ayon kay Dionisio, kapuri-puri ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyang tuldukan ang POGO sa bansa dahil sa halip na makapag-ambag sa kaban ng bayan, nagbibigay lamang ang huli ng iba’t-ibang malalalang problema gaya ng illegal drugs, prostitution, kidnapping at iba pang krimen.
“That’s why I really salute and commend President Bongbong R. Marcos Jr. na ipina-ban niya ‘yung POGO, ibinawal niya ‘yung mga gambling na ‘yan. Pero we should really help the President na tayong mga botante maging matalino, huwag nating hayaan mapasok ‘yung pamahalaan ng mga illegalista ng mga taong ito,” panawagan ng Manila lawmaker.
Samantala, naniniwala rin si Dionisio na ang desisyon ng Pangulo na ipagbawal ang POGO ay isa sa mga dahilan kung bakit natanggal ang Pilipinas sa money laundering watchlist ng Financial Action Task Force (FATF).
“Tingin ko isang reason doon ‘yung total ban ni President sa POGO…alam naman natin ‘yung POGO, ‘yan ‘yung web of lies and criminality eh. And isa diyan ‘yung money laundering. Ang malungkot na fact dito, ‘yung mga involved sa POGO, yung mga sugarol, yung mga naghahasik ng bisyo na nakakasira ng buhay ng Pilipino para yumaman lang sila, dahil binawal na ni President Bongbong Marcos, umokay tayo sa money laundering,” aniya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
