HINDI pa man nakalusot sa pinasok na gusot, isang panibagong kontrobersiya ang nabisto sa senado ng dating pulis na bumida sa viral video dahil sa pananakit at panunutok ng isang siklista sa Quezon City noong Agosto 8.
Ayon kay Senador Francis Tolentino na tumatayong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nakatakdang mag-imbestiga kay Wilfredo Gonzales na di umano’y nakakuha ng benepisyo matapos sibakin bunsod ng mga kasong administratibo dahil sa panunutok ng baril noong taong 2006.
Base aniya sa rekord ng Philippine National Police (PNP), lumalabas na makailang ulit na din umano na-demote sa ranggo si Gonzales na dating nakadestino sa Quezon City Police District (QCPD).
Dalawang taon matapos magretiro noong 2016, lumabas ang dismissal order laban kay Gonzales kaugnay ng insidente ng panunutok ng baril noong 2006, kasabay ng utos na ibalik sa pambansang pulisya ang benepisyong kinubra.
Ayon pa kay Tolentino, binalewala ni Gonzales ang direktiba.
“The PNP had ordered him (Gonzales) to return the separation pay granted to him. Until now, he has yet to return the money that he received after he was dismissed from the service,” pahayag ni Tolentino sa isang panayam sa radyo.
Samantala, tatlong miyembro ng QCPD ang kinasuhan sa People’s Law Enforcement Board (PLEB) dahil sa kabiguan bigyan ng proteksyon ang siklistang sinaktan at tinutukan ni Gonzales sa viral na road rage incident sa Welcome Rotonda ng nasabing lungsod noong Agosto 8.
Mga kasong Oppression, Irregularities in the Performance of Duties and Incompetence, sa ilalim ng Rule 21 ng NAPOLCOM Memorandum Circular 2016-002 sa PLEB ng Quezon City ang isinampa laban kina PSSG Darwin Peralta, PSSG Joel Aviso, at PEMS Armando Carr, pawang nakatalaga sa QCPD-Traffic Sector 4 ng Kamuning.
Sa imbestigasyon ng PLEB, lumilitaw na itinuring na simpleng traffic incident ang pananakit ni Gonzales sa siklistang binalukol pa ng P500 bilang danyos sa sinibak na pulis.
Giit ni Fortun, nabigo ang tatlong pulis na protektahan ang karapatan ng siklista nang hindi nila binigyan ng legal counsel. Bigo rin aniya ang mga pulis na i-secure ang CCTV footages sa lugar na siyang magiging batayan sana at magbigay-linaw sa magkakaibang pahayag ng magkabilang partido.