
PROBLEMA ang sumalubong sa hindi bababa sa 28 pamilya sa pagpasok ng ‘ber’ months matapos gumuho ang kanilang mga tahanan bunsod ng paglambot ng lupang kinatitirikan ng kani-kanilang bahay sa dalawang barangay na sakop ng lungsod ng Valenzuela.
Sa mga aerial shots na nakuha ng lokal na pamahalaan, sabay-sabay na gumuho ang walong bahay sa S. Feliciano st. sa Barangay Mapulang Lupa at katabing Barangay Ugong bandang dakong alas 5:40 kahapon.
Batay sa paunang pagsusuri ng Office of the Building Official ng Valenzuela City Government, walang patid na buhos ng ulan sa mga nakalipas na araw ang nakikitang dahilan sa likod ng paglambot ng lupang kinatatayuan ng mga gumibang bahay.
Nasa 17 pamilya (katumbas na 70 katao) ang nawalan ng masisilungan sa Barangay Mapulang Lupa, habang 11 pamilya (katumbas ng 43 katao) naman ang nawalan ng mga tirahan sa Barangay Ugong bunsod ng insidente.
Pansamantalang nanunuluyan sa dalawang evacuation sites ang mga apektadong pamilya.
Wala naman iniulat na nasawi o nasaktan sa insidente.