SA gitna ng agam-agam hinggil sa nakaambang epekto sa mga rice retailers, target ng Kamara isulong ang pamamahagi ng ayuda sa mga maliliit na negosyante.
Rekomendasyon ni House Speaker Martin Romualdez, patuloy na dayalogo kasama ang mga apektadong negosyante sa hangaring bumalangkas ng mekanismong papawi sa pangamba ng pagkalugi bunsod ng Executive Order 39 na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Isa sa nakikitang solusyon ni Romualdez ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga apektadong rice dealers.
“We have to talk to them to come up with a win-win solution wherein they won’t be adversely affected by the price ceiling,” pahayag pa ng lider ng Kamara.
“Hindi naman manhid ang gobyerno kaya we want to listen to their concern and we will try to find a solution doon sa pangamba nilang malulugi sila.”
Ayon kay Romualdez, ang pagbibigay ng ayuda sa rice retailers na mapatutunayang nalugi dahil sa itinakdang halaga ng bentahan ng bigas sa merkado ang isa sa posibleng solusyon o maaaring isakatuparan ng gobyerno.
Sa ilalim ng EO 39, itinakda ng Pangulo ang P41 price cap sa presyo ng regular-milled rice habang P45 kada kilo naman sa well-milled rice.
Para kay Romualdez, hindi angkop na balewalain ng pamahalaan ang mga nagtitinda ng bigas bunsod ng nakaambang multa at kasong kriminal na kalakip ng direktiba ng Pangulo.
“But definitely, the government will help our retailers affected by this EO,” pagtitiyak naman ng House Speaker.
Nauna rito, pinulong ni Romualdez at iba pang ranking officials ng Kamara ang nasa likod ng Philippine Rice Industry Stakeholders’ Movement (PRISM).
Sa naturang pagpupulong, ipinabatid ng mga rice retailer na sadyang mataas ang benta nila ng bigas dahil mataas din ang pasa sa kanila ng mga rice trader – P50 kada kilo.
Sa panig naman ni Romualdez, iginiit niyang lubos ang pagsuporta nila sa layunin ni Pangulong Marcos na mapababa ang presyo ng bigas at maabot ang rice self-sufficiency ng bansa.
“We won’t stop until the President is successful in achieving his targets. We’re very serious about it. And we are not gonna stop here in Luzon, we’ll go to Visayas and Mindanao. We’re gonna hit every region,” giit pa ni Romualdez kaugnay na rin sa isinagawang pagsalakay sa mga imbakan ng bigas sa lalawigan ng Bulacan.
“If we find out that people are importing and hoarding and profiteering, we’re going to raid. And Customs will just seize it and give it to DSWD, to Kadiwa, to the DA for sale at a much lower price point.”