KUMBINSIDO ang National Security Council (NSC) na banta sa pambansang seguridad ang “unmanned underwater drone” na tumambad sa karagatang sakop ng Barangay Iniwaran, San Pascual, Masbate.
Pag-amin ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, hindi malayong ginagamit ng mga espiya ang underwater drone sa surveillance sa.
“Meron itong national security implications very obvious itong drone na ito is used for reconnaissance and surveillance,” ani Malaya.
Gayunpaman, nananatiling blangko ang NSC sa motibo at pakay ng underwater drone, kasabay ng pagtitiyak na nagsasagawa na ng mas malalim ng imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.
Kabilang aniya sa aalamin ng NSC sa imbestigasyon ang may-ari at bansang pinagmulan ng naturang drone.
“Wala pang nagsasabi na sa kanila (China) yan. Sinusuri pa natin yung drone based sa kung anong nakasulat doon yung mga indication na nandyan sa drone na yan at sa lugar kung saan ito nahanap,” dugtong ni Malaya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine Navy ang natagpuang underwater drone.
Samantala, mas hinigpitan na ng Police Regional Office ang seguridad sa mga bayan lalo na sa coastal areas ng Masbate matapos marekober ang submarine drone na pinaniniwalaang pag-aari ng China.
Ayon kay Brig. Gen. Andre Dizon, nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa mga local government agency. Inatasan na rin aniya ang mga police unit na magsagawa ng inspeksyon kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga mangingisda sa paniwalang meron pang ibang kahalintulad na device na makukuha sa karagatan sa naturang rehiyon.
