
Ni Ernie Reyes
MATINDING galit ang naipahayag ni Senador Grace Poe nang mapanood ang isang viral video na tauhan ng Office of the Transport Security (OTS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kitang-kitang lumunok ng $300 na nakuha sa pasahero.
Sa pahayag, lubhang nabibighani si Poe, chairman ng Senate committee on public services na tila hindi nauubusan ng gimik ang mga kawatan sa airport na nambibiktima ng pasahero tulad ng laglag-bala at paghingi ng “graduation photos.”
“Nakakagalit at nakakahiya ang pangyayaring ito. Parang hindi nauubusan ng gimik ang mga kawatan sa airport,” ayon kay Poe.
Sinabi ni Poe na maaaring hindi nakita ang buong kuwento sa CCTV na naging viral na nagpapakita ng isang babaeng OTS personnel na lumulunok ng dolyares na kumala sa social media.
“May mga report pa na nagsasabing inutusan ang OTS personnel na gawin ito para hindi mahuli. Ibig sabihin, may mga kasabwat pa ito,” ayon kay Poe.
“Umaasa tayo na matutunton agad ng awtoridad ang mga sangkot dito sa kanilang imbestigasyon,” giit pa ng senador.
Dahil dito, hiniling ni Poe sa airport security office na magsagawa ng matinding pagsusuri sa lahat ng aplikante at muling interbyuhin ang kasalukuyang tauhan upang matukoy ang kuwalipikasyon at sibakin ang sinumang sangkot sa criminal activities.
“The airport leadership should immediately investigate, file cases and fire employees found involved in criminal activities,” aniya.
“Those who violate the law must be punished at once,” giit pa ng senadora.