ISANG supplemental affidavit ang isinumite ng Office of Transportation Security (OTS) kung saan iginiit nito na tsokolate at hindi dolyar ang nakita sa video na hirap na nilulunok sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Ayon sa TV reports, pinanindigan ng hindi pa pinapangalang personnel na hindi siya ang nagnakaw ng nawawalang $300 mula sa Chinese tourist.
Gayunman, hindi kumbinsido ang OTS fact finding team sa sinasabi ng personnel. “Hindi naman normal na kumain ng tsokolate, hirap na hirap at tinutulak pa nya ng tubig. Hindi mo kailangan ng tubig. ‘Yun talaga ang paniniwala nila, na hindi yun tsokolate,” sabi ni OTS administrator Undersecretary Mao Aplasca.
Sinuspinde na ng OTS ang staff member, kasama ang kanyang supervisor at isa pang personnel na nag-abot ng bottled water.
Nahaharap din ang mga ito ng kasong administratibo dahil sa grave misconduct.
Posible ring maharap sa kasong theft ang mga ito sakaling mapatunayang guilty.
“Nakakagalit na itong insidenteng ito, paulit ulit siguro iniisip ng mga tao na ito na hindi naman magpo-prosper yung criminal case dahil wala yung complainant, hindi na interested. Gagawa kami ng mga paraan na legal,” ayon kay Aplasca.
Nasa 14 katao pa na naka-duty nang oras na iyon ang iniimbestigahan na ng OTS.