
“KAHIT na tatlong buwan silang mag hotel, hindi maubos ang P112.5 million.”
Ito ang mariing tinuran ni House Assistant Minority Leader at Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel sa pagkuwestiyon sa ginastos ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Partikular na tinukoy ni Pimentel ang datos sa kabuuang gastos sa pagdaraos ng Youth Leadership Summit.
“Pagpapakain lang ng almost 3,000 students, uubusin ba natin ng P112.5 million?” ang sabi pa ni Pimentel, na kasapi ng makapangyarihang House Commission on Appointment contingent, sa pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability.
Inusisa ng Mindanaoan lawmaker ang audit observation memorandums (AOMs) na inisyu ng Commission on Audit (COA) hinggil sa cash advances at liquidation kaugnay sa nabanggit na mga youth summit.
Ayon kay Pimentel, dalawang AOM, na may petsang February 1, 2024, at August 8, 2024, ang ipinadala kay DepEd special disbursing officer Edward Fajarda, na responsable sa P75 million cash advance at liquidation.
Kinumpirma naman ni Atty. Gloria Camora, team leader ng COA unit na bumusisi sa OVP confidential funds, ang AOMs na sumasaklaw sa paggamit ng pondo para sa pagdaraos ng mga youth summit.
Duda si Pimentel kung talagang may naganap na pagtitipon ng mga kabataang mag-aaral dahil ang liquidation documents na isinumite sa COA ay kinabibilangan lamang ng certifications mula sa military officers.
“Do we have documentation? Do we have evidence that indeed they conducted this Youth Leadership Summit or sa papel lamang ito?” Tanong ng Surigao del Sur lawmaker, kasabay ng giit na ang liquidation reports dapat may kaakibat na supporting documents gaya ng mga resibo o kaya’y mga litrato.
Nabatid na ang mga sertipikasyon na isinumite ay nagsasabing ang ilang Youth Leadership Summits na isinagawa ay mayroong 531 participants sa 8 activities, habang mayroon din para sa 205 youth participants, at ang isa pa ay nagsasabing 860 kabataan ang sumali sa siyam na summits.
Duda naman si Pimentel sa mga dokumentong ito, na aniya ay hindi sapat para bigyang-katwiran ang malaking paggastos.
“In fact, for me, ordinary person ako, this does not fall within the utilization of the [COA] Joint Circular. Very clear po ito doon sa Joint Circular. Ano ba itong Youth Leadership Summit?,” aniya pa.
“Mr. Chair, kahit na confidential fund po iyan, that is still taxpayers money. Napakalaking halaga ang P112 million para sa Youth Leadership Summit. So that is why this committee would want to know where the money went, because it is very clear, this is just on paper. Pero ang totoo po niyan, may pinuntahan ho ‘yung P112.5 million,” ani Pimentel.