
PARA matukoy kung sino ang bulaan, hinamon ng isang bagitong kongresista sina Vice President Sara Duterte at 40-year career service official former Education Undersecretary Gloria Mercado na sumailalim sa lie-detector test.
“Kung talagang sa puso ni VP Duterte eh feeling niya nagsasabi siya ng totoo, mag-lie detector test na lang silang dalawa ni USec Mercado, para magkaalaman kung sino nagsasabi ng totoo. Hindi na kailangan pang mag-deny at manira sa presscon,” hamon ni Assistant Majority Leader Zambales Rep. Jefferson Khonghun.
“Kung wala namang tinatago si VP Duterte, walang issue sa pag-take ng lie detector test. Mahalaga na malaman ng taumbayan kung sino ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa. Pondo ng bayan ang pinag-uusapan, and the Vice President owes it to the people to prove her honesty and integrity,” dagdag ng miyembro ng tinaguriang Young Guns ng Kamara.
Nauna nang humarap si Mercado sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability kung saan isiniwalat niya ang pamudmod ng pera ni VP Sara noong Kalihim pa siya ng Department of Education (DepEd).
Paniniwala ng dating head of procurement (HOPE), ang buwanang sobreng naglalaman ng P50,000 ay naglalayong makumbinsi siya sumunod sa mga gusto ng dating DepEd secretary.
Pagsisiwalat pa ni Mercado, Oktubre ng nakalipas na taon nang ipatawag siya ni Undersecretary Zuleika Lopez, na siyang ring chief of staff ng vice president para sabihan siyang mag-resign ora mismo sa paraan ng voluntary retirement.
Ilang linggo bago siya kausapin ni Lopez, sinabi ni Mercado na isa pang former DepEd official, na si Atty. Reynold Munsayac ang lumapit sa kanya kaugnay naman sa DepEd Computerization Program, na nagkaroon ng failure of bidding.
“He suggested, in the presence of three other DepEd officials who I was with, that the bidders should discuss among themselves, according to Atty. Munsayac. I firmly asserted that the procurement must be implemented and conducted in strict adherence with the rules,” salaysay pa niya.
Habang nagbubunyag ni Mercado, nagpatawag naman ang bise-presidente ng press conference para itanggi ang mga ibinunyag sa Kamara kasabay ng alegasyon sa dating Education Undersecretary ng pagso-solicit ng P16 million sa pribadong korporasyon.
Dito na nagpasya si Mercado na ilabas at isurender sa komite ang siyam na envelopes na pawang naglalaman ng P50,000 na bigay umano sa kanya ni Duterte.
Hindi tulad ni Duterte na tumangging manumpa sa pagharap sa Kamara, nag-under oath aniya Mercado bago nagbigay ng testimonya.
“Yung testimony ni Usec. Mercado, she made under oath. Si VP Duterte refused to take the oath. Kaya hindi mo maalis sa aming mga mambabatas ang magduda sa transparency ni VP Duterte. Kaya mas maganda, mag-lie detector test na lang siya.”
“Dapat malaman ng taumbayan kung sino nga ba ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa. The Vice President should come clean, and she can only do that if she passes a lie detector test,” pahabol ni Khonghun.