
Ni Romeo Allan Butuyan
SA hangaring isulong ang kapakanan ng mga nakatatanda, isang panukalang nagtutulak ng buwanang allowance para sa maintenance medicines ng mga senior citizens ang inihain kamakailan sa Kamara de Representantes.
Sa House Bill 9569 (Providing Monthly Maintenance Medication Support Act for Senior Citizens) na inihain ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, hinikayat ang Kongreso pagtibayin ang panukalang nagbibigay-daan sa kapakanan ng mga nakatatandang aniya’y buwanang namomroblema kung saan huhugutin ang pambili ng gamot na nagdurugtong sa kanilang buhay.
Kasama sina ACT-CIS partylist Reps. Jocelyn Tulfo at Edvic Yap; Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo, partikular na isinusulong ni Tulfo ang pagkalinga ng pamahalaan sa sektor na aniya’y nagbigay ng ambag sa lipunan, kabuhayan at maging sa paghubog ng mga kabataan.
“It acknowledges the fundamental importance of preserving and enhancing the health and well-being of senior citizens in our society. This bill recognizes this burden and aims to alleviate it by providing financial assistance,” saad sa isang bahagi ng panukala.
“By offering a monthly stipend of P 1,000 for maintenance medications, this bill is designed to improve the quality of life of our senior citizens and ease the financial constraints they encounter, making it more feasible for them to access the medications they require. It acknowledges that managing chronic diseases should not be compromised due to economic limitations,” giit pa ni Tulfo.
Ayon sa ACT-CIS partylist congressman, dapat kilalanin ng estado ang mahalagang papel ng mga senior citizen kaya marapat lamang na kahit sa kasalukuyan nilang estado ay matamasa nila ang tulong at pagmamalasakit sa kanila ng nang may dignidad at mabuting kalusugan.
Base sa datos ng Philippines Statistics Authority (PSA), nasa 9.2 milyong senior citizens o mga Pilipinong may edad na 60 pataas ang naitala sa census na isinagawa noong taong 2020.