
TINATAYANG nasa 323 kilo ng hinihinalang shabu na itinago sa beef jerky ang nasabat ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP).
Sinabi ng Bureau of Customs (BOC) na galing sa Mexico and kontrabando at dumating sa MICP noong Pebrero 24 subalit walang lumutang para kunin ito.
Sa pamamagitan ng Pre-Lodgement Control Order (PLCO) laban sa kontrabando ay binuksan ito noong Setyembre 29.
Ang kautusan na pumigil sa shipment na ilabas ito sa MICP ay naisaktuparan lamang matapos makatanggap ng impormasyon ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) na may malaking karga ang nasa cargo.
Sinasabi rin mula PLCO na smuggled at mga illegal na droga ang laman nito.
Nabatid na ang kargamento ay naka-consign sa isang Salesbeat Within OPC ng Logistica Integral Aduanal Meyma at Aime Express Logistics SA DE CV.
Idinaan sa scanner ang cargo sa pamamagitan ng x-ray at pisikal na siniyasat noong Oktubre 4 sa harap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-PDEG), at Philippine Coast Guard (PCG).
Sa inspeksiyon, nadiskubre ang nasa P2.2 bilyong halaga ng illegal na droga na nakatago sa nakalaminate na pakete ng beef jerky.
Nangako naman si Deputy Commissioner for Customs Intelligence Group Juvymax Uy at District Collector Romeo Rosales na magpapatuloy ang kanilang mga ahensiya at magmomonitor sa borders upang maihinto ang pag-smuggle ng illegal na droga.
“Our officers continue their dedication to our border security mission, which led to this latest shabu interception. Their drive, vigilance, and alertness on a daily basis made this operation possible. We remain committed in keeping our communities safe from these narcotics while also facilitating lawful entries of goods,” sabi ni Rosales.