
Ni Estong Reyes
HINDI kailangan ng Department of Agriculture (DA) ang halagang P50 million confidential funds upang labanan ang smuggling dahil maraming law.
Kapwa nagkasundo sina Senador Cynthia Villar at Raffy Tulfo sa ganitong pananaw matapos matuklasan sa pagdinig ng Senate finance committee sa 2024 budget ng DA na nabigyan ito ng milyong halaga ng confidential funds sa ilalim ng National Expenditure’s Program (NEP).
Ayon kay Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, gagamitin ang P50 million confidential funds sa “solely for the enforcement and smuggling.”
Pero, kinuwestiyon ni Tulfo ang alokasyon dahil tinutugunan ng Bureau of Customs ang smuggling na mayroong confidential funds.
“I-surrender ninyo na lang po at ibigay ninyo na lang po sa ibang mga agency na nangangailangan tulad ng Coast Guard. Siguro kailangan natin dahil palaging nagkakaproblema tayo sa West Philippine Sea,” ayon kay Tulfo.
Sinuportahan ni Villar, chairperson ng Senate agriculture committee, ang suhetisyon ni Tulfo saka iginiit na hindi mandato ng DA na magpatupad ng batas laban sa smuggling.
“The enforcement agency against smuggler and cartel…would be coming from the law enforcement agency, not DA,” ayon kay Villar.
Inamin ni Panganiban na hindi nila alam kung bakit sila nabigyan ng confidential funds ngunit sinabi naman ni Agriculture Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement James Layug na gagamitin ang P50 million para sa surveillance operations.
“Nu’ng lumabas ‘yung NEP, sir, they allocated P50 million confidential funds to be dedicated sana sa surveillance operation for anti-agricultural smuggling operations, sir,” ayon kay Layug.
Sinabi ni Tulfo na kung nailaan ang confidential fund at hindi hiningi, dapat ibalik ito ng DA.
“Kung binigay sa inyo, hindi ninyo pala kailangan, e di isauli ninyo na lang… And’yan naman po ‘yung PNP. And’yan naman po ‘yung Customs,” ani Tulfo.
Iminungkahi din ni Tulfo na ilaan ang P50 milyon sa programa ng DA sa rice production.
Tiniyak naman ni Villar na ililipat ang naturang halaga sa deliberasyon ng badyet ng DA kapag nakarating ito sa plenaryo.
“Paki-cancel na lang ano. ‘Wag na kayo magka-confidential funds d’yan. Pandagdag pa kayo. P50 million is P50 million. That’s a lot of money,” ayon kay Tulfo.
Sinubukan ni Layug na makumbinsi ang Senado na panatilihin ang P50 milyon dahil kailangan ng ahensiya ang pondo para sa surveillance operations.
“About the confidential fund, the executive committee when we discussed the need—under your wisdom and guidance po—if the department can really use the confidential fund to also investigate, especially we have quarantine powers under the Food Safety Law and Price Act also and even in the Meat Code where we are mandated to conduct market surveillance and market inspection and also sa imports natin, nandyan tayo,” aniya.
“May mga quarantine powers po ‘yung mga FSRA natin—Food Safety Regulation Agencies like [Bureau of Animal Industry, Bureau of Plant Industry, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, and also National Meat Inspection Services] na will also need sana some support para mapatibay natin ‘yung surveillance operation and ma-reinforce po ‘yung mga accomplishment na nasimulan na rin ng DA,” giit pa niya.
Ayaw makipag-debate ni Villar kay Tulfo hinggil sa P50 milyong confidential funds saka inatasan si Layug na maging creative kung paano maipatutupad ang kanilang mandato nang walang katulad na alokasyon.
“I just want to comment na if Senator Tulfo will make a big issue out of it, you just follow him in what you will do with the P50 million. I don’t want to be answering Senator Tulfo because of your P50 million allocation. You be creative and give him the benefit of having that P50 million realigned. I’m just being practical ‘di ba,” ayon kay Villar. Umabot sa P10.5 bilyon ang inilaan ng Department of Budget and Management sa confidential and intelligence funds sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na nakatakda sa 2024 budget kabilang ang P4.5 billion sa Office of the President (P2.25 billion confidential and P2.31 billion intelligence fund) at P500 million sa Office of the Vice President.